ILOILO CITY – Dumipensa ang Philippine Coast Guard (PCG) sa hindi nila pagdalo sa Legislative Inquiry na pinangunahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Guimaras.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commodore Allan Victor Dela Vega, Commander PCG-Western Visayas, sinabi nito na hindi siya nakatanggap ng sulat mula sa local government unit (LGU) ng Guimaras para sa nasabing inquiry.

Ayon kay Dela Vega, kung may natanggap siya ay pupunta naman sila upang makapagpaliwanag hinggil sa rescue operations noong kasagsagan ng Iloilo Strait tragedy.

Ani Dela Vega, nakahanda ang Philippine Coast Guard na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang mabigyan ng karampatang sagot ang mga katanungan patungkol sa insidente.

Napag-alaman na labis ang pagkadismaya ng mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Guimaras, ibang stakeholders at mga survivors, dahil sa tila pag-isnab nila ng Maritime Industry Authority sa nabanggit na inquiry.