Sisikapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makadalo sa UN Climate Change Summit na gaganapin sa Dubai sa darating na buwan ng Disyembre.
Una ng inimbitahan ni UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Alzaabina si Pangulong Marcos na dumalo sa nasabing komperensiya.
Sa panayam kay Pang. Marcos kaniyang sinabi na kanilang napag-usapan ni Amb. Alzaabina ang Climate Change COP 28 na gaganapin sa kanilang bansa ng mag courtesy call sa kaniya ang embahador sa Palasyo ng Malakanyang.
Sabi ng chief executive, isang mahalagang isyu ang climate change lalo na sa Pilipinas.
Nais din ng Pangulo na palakasin muli ang ugnayan ng Pilipinas at UAE dahil maraming mga Filipino ang nagtatrabaho duon.
Mahalaga na mapanatili ang magandang pagtrato ng UAE sa mga Pinoy OFWs.
Pinasalamatan naman ng Pangulo ang ibinigay na tulong ng UAE para sa mga kababayan natin sa Albay na apektado ng nag-aalburutong Bulkang Mayon.
Kasama ng Pang. Marcos si UAE Ambassador sa Albay upang personal nitong tunghayan na ang tulong na ibinigay ng kanilang bansa ay natanggap ng mga apektadong residente.
Kabilang sa tulong na ibinahagi ng UAE ay mga pagkain, relief goods at mga gamot.