Positibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mareresolba ang labor issues sa Kuwait na nagresulta sa pagsuspendi ng issuance ng anumang visa para sa overseas Filipinos.
Ito ay sinabi ng Pangulo matapos ang pag-uusap sa pagitan nina Pangulong Marcos at Kuwait Crown Prince Sheikh Mishal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah sa sidelines ng ASEAN-Gulf Cooperation Council meeting sa Riyadh.
Humingi aniya ng tawad ang Kuwait Crown Prince sa Pangulo at inihayag na hindi ito sang-ayon sa ginagawa ng kaniyang mga tao.
Sinabi din ni PBBM na nangako ang Kuwaiti Crown Prince na aayusin nila ang naturang isyu at gagawin nila ito dahil mahal nila ang Pilipinas.
Matatandaan na noong Mayo, nagpatupad ang Kuwaiti government ng entry ban sa mga Pilipino na walang residence permit dahil hindi umano sumunod ang Pilipinas sa labor agreement kung saan nasa 800 manggagawang Pilipino ang naapektuhan.
Nasa 275,000 hanggang 300,000 Filipinos ang nasa Kuwait kung saan karamihan sa kanila ay household workers habang ilan naman ay nagtratrabaho sa hotel, restaurant at healthcare industries.