-- Advertisements --

Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng public-private cooperation sa pagsasakatuparan ng mga proyekto pagdating sa imprastruktura at turismo partikular na sa pagpapalakas pa ng Clark Metropolis sa Pampanga.

Sa talumpati ng Pangulong Marcos kasabay ng kaniyang pangunguna sa pag-inspeksiyon ng Airport to New Clark City Access Road (ANAR) sa Sacobia Bridge sa loob ng Clark Freeport and Special Economic Zone (CFEZ) sa lalawigan ng Pampanga ngayong araw, pinuri ng punong ehekutibo ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para sa pagiging maasahan, mapagkakatiwalaan at propesyunal na partner sa public-private ventures sa Clark na magbebenipisyo sa publiko.

Sinabi din ng Pangulo na maaari ng mag-host ngayon ang Clark ng iba’t ibang economic activities kabilang ang innovation labs, creative workshops, manufacturing concerns, leisure complexes, at cyber corridor.

Ngayong araw, personal na ininspeksyon ni PBBM ang 20-kilometer Airport to New Clark City Access Road (ANAR) na layuning maibsan ang traffic congestion at mapalakas pa ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapaganda sa travel efficiency sa buong Luzon, pagkonekta sa pangunahing urban centers at transportation hubs para mabawasan ang oras ng biyahe mula sa New Clark City patungong Clark mula sa isang oras sa 20 minuto na lamang.

Kasama ding nag-inspeksiyon ng pangulo sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and Chief Executive Officer (CEO) Engineer Joshua Bingcang, BCDA Chairman Delfin Lorenzana at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.