Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensiya ng gobyerno na tapusin ang mga proyekto sa itinakdang schedule upang matamasa ng publiko ang maximum benefits mula sa bilyun-bilyong halaga ng mga imprastruktura.
Ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag sa idinaos na inagurasyon ng Davao City Coastal Bypass Road na mga proyekto na layuning ma-decongest ang mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod at magsisilbing alternatibong ruta sa Davao-Cotabato Road.
Nagsimula ang konstruksiyon ng 17-kilometer Davao City Coastal Bypass Road noong 2017 sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang unang yugto ng proyekto mula Bago Aplaya patungong Times Beach ay nakumpleto sa loob ng anim na taon dahil naantala ito bunsod ng covid-19 pandemic ayon sa Pangulo.
Magiging bahagi din aniya ito ng high-standard highway network ng bansa sa layuning maikonekta ang lahat ng major islands sa ating bansa.