Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa serbisyong ibinigay ni National Security Adviser Eduardo Año para sa pagsusulong ng counterterrorism at internal security measures ng Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Usec Clair Castro, kasunod ng kumpirmasyon na tinanggap na ng pangulo ang pagbibitiw sa pwesto ng kalihim.
Papalit aniya kay Año si dating AFP Chief Of Staff Eduardo Oban Jr., miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1979, mayroong malawak na karanasan sa military operations, at national security.
Dahil sa lawak ng kasanayan at karanasan ni Oban, tiwala aniya si Pangulong Marcos na makapagbibigay ito ng matatag na liderato para sa pagsusulong pa ng national security priorities ng bansa, at pagsisiguro na ligtas ang Pilipinas at mga Pilipino.
Samantala, kinumpirma ni Secretary Eduardo Ano ang kaniyang permanent retirement bilang National Security Adviser at Director General ng National Security Council.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ano na epektibo ang kaniyang pagri retiro bukas, April 16, 2026.
Ayon sa Kalihim, panahon na aniya para ipasa sa iba ang pangangalaga sa pambansang seguridad.
Ayon kay Ano, sa mga nakalipas na buwan ay nakita niyang dapat nang pagtuunang pansin ang kaniyang kalusugan, kaya mahirap man ay nagdesisyon nang ganap na magretiro.
Maliban sa pagiging national security adviser, kabilang aniya sa pagsisilbi sa gobyerno na kaniyang ginampanan ay ang pagiging Commanding General ng Philippine Army, Chief of Staff ng AFP, at Secretary ng DILG.
Siniguro ni Ano na magpapatuloy ang mga kritikal na operasyon at mga kasalukuyang inisyatibo ng ahensiya sa bagong liderato.
Nagpasalamat din si Ano sa tiwalang ibinigay sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










