BUTUAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Butuan City Permits and Licensing Division sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Caraga upang maaksyunan ang nagpapatuloy pa ring operasyon ng KAPA sa ilalim ng bagong pangalan na “Special Distribution Trading and Construction Corporation.”

Ito’y dahil hindi pa rin binabawi ng lokal na pamahalaan ang cease and desist order na isinilbi dahil sa operasyon nitong investment scheme imbes na magbenta ng distribution ng construction materials.

Ayon kay Atty. Moshie Ariel Cahoy, hepe ng legal team sa nasabing tanggapan na sisilipin pa nila ang ibang legality sa operasyon ng nasabing investment scam kahit na wala pa silang naaktuhan mula sa isinagawang surveillance sa ipinasarang naunang modus nito.

Aminado ang opisyal na nahihirapan sila sa paghuli sa operasyon ng nasabing grupo dahil sa kawalang myembro nito na nakikipag ugnayan sa kanila.

Base sa kanilang nasagap na impormasyon nakamotrosiklo lang ang mga nangongolekta ng pay in ng mga myambro at ang release ng pay out ng mga ito.

Kaya naman, siniguro ng opisyal na hindi nila palalampasin at kanilang pag-aaralan nang maigi ang nasabing operasyon sa tulong ng kapulisan at iba pang mga concerned government agencies.