Kinumpirma ni Philippine Army chief Lt. Gen. Rolando Joselito Bautista na patuloy ang ginagawang recruitment ng mga terorista sa Mindanao.

Sa katunayan, batay sa natanggap na intelligence information ng Philippine Army, hindi lamang limitado sa Lanao del Sur ang recruitment ng mga terorista kundi sa iba pang lugar sa Mindanao gaya ng Sulu, Basilan at Palimbang area.

Sinabi ni Bautista na kanila na ring inaasahan na mangangalap ng panibagong miyembro ang Maute terrorists group matapos magtamo ng malaking bilang ng casualties noong kasagsagan ng Marawi siege.

Pagbubunyag pa ng heneral na mga supporters at sympathizers ng mga nasawing terorista ang siyang nagsasagawa ng recruitment ngayon kaya mahigpit nila itong tinututukan.

Samantala bina-validate na ng AFP ang mga ulat na nakapasok sa bansa, partikular sa Metro Manila ang foreign terrorists na umano’y dumating sa pamamagitan ng southern back door.

Ayon kay Bautista, alam ng militar na may suportang ipinadala sa local terrorist groups ang ISIS leadership sa Malaysia at Indonesia at may reports na pumasok ito sa central Mindanao at maging sa Metro Manila.

Binigyang diin naman ni Bautista na ang importante ay na-identity na ng mga sinasabing foreign terrorists at ginagawan ng aksyon ng AFP at PNP.

“Bina-validate pa lang na yung pasok nila through the backdoor and even sa Metro Manila meron pero sabi nga natin na-identify naman sila and at the same time meron ding ginagawang aksyon yung ating kapulisan at Armed Forces of the Phils, yung concentration ngayon is ang nakikita namin is dito sa area ng central Mindanao,” wika ni Bautista.