Inirekomenda na ng NBI Special Action Unit (NBI-SAU) sa Ombudsman ang paghahain ng criminal at administrative charges laban sa 86 na empleyado ng Bureau of Immigration (BI) dahil dawit umano ang mga ito sa tinaguriang “pastillas” scheme.
Sa 27 pahinang reklamo, pinangalanan ng NBI-SAU ang walong tataas na opisyal ng BI bilang parte ng pastillas group at iniugnay din si dating Division Chief of Port Operations Division Marc Red MariƱas bilang mastermind.
Nakasaad din sa naturang reklamo na bukod sa bribe money ay may ilang miyembro rin ng grupo ang nakatanggap ng regalo at iba pang benepisyo, tulad ng sexual favor mula sa mga banyagang kababaihan na biktima ng human-trafficking.
Naniniwala umano si NBI SAU chief Atty. Jun Dongallo Jr., na malakas ang kaso nila laban sa 86 na empleyado ng BI. Dahil na rin daw ito sa mga rebelasyon at ebidensyang inilahad ng ikalawang whistleblower na si Immigration Officer Dale Ignacio.
Maituturing aniya na “insider” si Ignacio dahil parte ito ng Viber group ng mga sindikato at ito rin ang nagtatabib ng listahan ng mga Chinese nationals na pinalulusot ng grupo.
Hiniling din ng NBI sa Ombudsman na tanggalin si Ignacio mula sa listahan ng mga sasampahan ng kasong kriminal at gawin na lamang ito bilang state witness.
Samantala, nangako naman si NBI Director Eric Distor na kanilang hahabulin ang mga natitira pang miyembro ng pastillas group lalo na ang mga pribadong indibidwal, travel agencies at protectors ng pastillas scheme.