track 2

Mahihigitan pa umano ng bagyong Rolly ang lakas ng nagdaang typhoon Quinta, na puminsala ng malaking bahagi ng Luzon noong nakaraang linggo.

Iyan ang pagtaya ng Pagasa dahil sa patuloy na paglakas ng papalapit na sama ng panahon, kung saan nasa severe tropical storm category na ito.

Ayon sa Pagasa as of 5:30 nitong hapon, pumasok na ang bagyo sa teritoryo ng Pilipinas.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,505 km sa silangan ng Central Luzon.

Taglay na nito ang lakas ng hangin na 110 kph at may pagbugsong 135 kph.

Kumikilos iyon nang pakanluran sa bilis na 15 kph.

Sa pagtaya ng Pagasa posibleng sa araw ng Linggo mag-landfall si “Rolly.”

Habang ang isa pang weather disturbance na papalapit din sa Pilipinas ay namataan sa layong 2,435 km sa silangan ng Mindanao.

May lakas naman itong 55 kph at may pagbugsong 70 kph.

Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis lamang na 10 kph.

Kung papasok sa Philippine area of responsibility ay bibigyan ito ng local name na Siony, na magiging ika-19 na bagyo para sa taong ito na papasok sa karagatang sakop ng ating bansa.