Reading Time: 1 minute

Ipinasususpinde sa Office of the Ombudsman ng mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) ang hepe nito na si Atty. Persida Acosta at forensic chief Dr. Erwin Efre dahil umano sa korupsyon.

Batay sa statement ng mga hindi nagpakilalang abogado, nakasaad na nagsabwatan si Acosta at ilang opisyal ng financial and management service na doktorin ang purchase orders ng ahensya para maging pabor ang pondo sa PAO chief.

“Despite the pendency of the instant complaint filed by complainant Garrido, respondents Acosta and Erfe, through their cohorts in Financial Planning and Management Service, have a systematic scheme in covering traces of their capricious, illegal and corrupt practices especially relating to the disbursements and allocation of the PAO budget,” nakasaad sa pahayag na isinabay ng hain sa graft case ni Wilfredo Garrido Jr. noong Mayo.

Nangako namang tutugon si Ombudsman Samuel Martires sa reklamo ng mga complainant.

Kung pagbabatayin kasi ang Rules of Court, pwedeng idaan sa intervention ng isang kaso ang panibagong reklamo sa pamamagitan ng statement.

Pero aminado ang Ombudsman na manipis ang tsansang lumakad ang kaso kung hindi lulutang ang mga nagrereklamo.

Kung maaalala, hiniling sa anti-graft body ni Garrido noong Mayo ang suspensyon nina Acosta at Efre dahil sa hindi umano otorisadong pagbuo ng mga ito ng PAO forensic laboratory.

Ayon sa abogado, hindi dumaan sa approval ng Kamara at Senado ang pagtayo nina Acosta ng naturang pasilidad.