Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang patawan ng value-added tax (VAT) ang mga digital transactions sa bansa.
Inaprubahan ng komite ang unnumbered substitute bill na naglalayong amiyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997.
Ayon sa Department of Finance, karagdagang P10 billion (P9 billion mula sa mga nonresident, habang P1 billion naman sa mga local digital service providers) ang inaasahang kikitain ng pamahalaan sa oras na maisabatas ang panukalang ito.
Sa ilalim ng panukala, sisingilin ng 12 percent tax mula sa kanilang gross receipts ang mga nonresident digital service providers, o iyong may online platform na ginagamit sa pagbili at pagbenta ng mga produkto o serbisyo tulad ng Netflix.
Sisingilin din ng buwis ang mga third party platflorms gaya ng Lazada at Shoppee, gayundin iyong supplier ng digital services.
Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda, marapat lamang singilin ng buwis ang mga nonresident digital service providers sa kinikita ng mga ito sa bansa.
Sinabi naman ng pangunahing may-akda ng panukala na si AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin na dapat gawing patas ang playing field sa pagitan ng mga nagnenegosyo sa loob at labas ng bansa.
Ayon sa DOF, sa ngayon ay walang kinikita ang pamahalaan sa mga digital transactions na dumadaan sa mga nonresident digital service providers.
Samantala, nilinaw ni Salceda na hindi kasama sa mga sisingilin ng 12 percent VAT ang mga maliliit na online sellers.
“If your sales are below P3 million, you are exempt from paying or filing VAT. If your net income as a sole proprietor is below 250,000, you are exempt from paying and filing income taxes. So, the small Facebook online seller will not be taxed. I guarantee you,” ani Salceda.