Suportado ng largest business group sa bansa ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang value-added tax (VAT) sa basic commodities.
Kabilang dito ang mga bilihing tinapay, asukal at cooking oil na makakatulong aniya pareho para sa mga consumer at mga negosyo.
Saad ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) president George Barcelon na ang pagtanggal ng 12% VAT sa mga basic goods ay makakatulong na maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Makakatulong din aniya ito sa mga local na negosyo sa bansa na makapagbenta pa ng mas marami sa kanilang mga produkto.
Sa pamamagitan din ng pagtanggal ng VAT, mapapababa ng mga local businesss ang mga presyo.
Una rito, inihain ng Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 5504 na layong maamyendahan ang Tax Reform Act of 1997 at maibilang ang VAT exemptions provisions.
Tinukoy din sa naturang panukala ang mga produktong exempted mula sa VAT gaya ng tinapay, canned pork, beef, isda at iba pang marine products; instant noodles; biscuit; Raw at refined sugar at asin.
Gayundin ang cooking oil, laundry soap, detergents, firewood, charcoal, kandila at mga gamot na inuring essential ng Department of Health.