Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na gagawad kay Pangulong Rodrigo Duterte ng kapangyarihan kung kaylan nito itatakda ang pagbubukas ng eskuwela sa gitna ng COVID-19 crisis.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 6895, na nag-aamiyenda sa Section 3 ng Republic Act 7797, o ang “Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More Than 220 Class Days.”

Sa ilalim ng batas, ang school year sa bansa ay maaring magbukas sa unang Lunes ng Hunyo pero hindi lalagpas sa huling araw ng Agosoto.

Sinabi ni House Committee on Basic Education and Culture chair Roman Romulo na ang panukalang kanilang isinusulong ay naglalayong bigyan ang Presidente ng “flexibility” para ipagpaliban o i-urong ang pagbubukas ng academic calendar dahil sa emergencies na nararanasan ngayon.

Kahapon, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng naturang panukala.

Nauna nang inanunsyo ng Department of Education na ang School Year 2020-2021 ay magsisimula sa darating na Agosto 24.