Suportado ng Department of Health (DOH) ang panukalang dagdag buwis sa junk foods at sweetened beverages.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Ted Herbosa na maaaring magresulta ang naturang panukala sa mas mababang pagkonsumo ng hindi masusustansiyang pagkain ng publiko.
Ipinunto pa ng kalihim na pagdating sa perspektibo sa kalusugan, maganda na magpataw ng tinatawag na excise tax sa partikular na mga produkto na nagdudulot ng sakit gaya ng diabetes, kidney disease at iba pa.
Sinabi pa ng kalihim na ang revenue o kita mula sa excise tax ay maaaring gamitin para pondohan ang mga programa at proyekto ng gobyerno para sa matugunan ang kagutuman at malnutrisyon.
Inihalimbawa pa ng kalihim na nagkaroon ng positibong resulta ang pagpapataw ng excise tax o sin tax sa alcohol at tobacco kung saan isa siya sa tumulong sa pagbalangkas at nagpasa ng naturang panukala.
Bunsod nito dumami ang buwis na nakokolekta para magamit sa Universal Health Care at kumonti din ang naninigarilyo mula sa dating 29% ay nasa tinatayang 18% na lamang ayon kay Herbosa.
Subalit inamin din ng kalihim na may ilang mga ikinokonsiderang bagay sa planong dagdag na buwis para sa nasabing mga produkto.
Katulad na lamang ng posibleng epekto nito sa mga pribadong kompaniya partikular na sa soft drink industry.
Sa ilalim nga ng panukalang tax program, plano ng Department of Finance na magpataw ng P10 sa kada 100 grams o P10 sa bawat 100 milliliters tax sa pre-packaged foods na walang nutritional value kabilang ang snacks, desserts at iba pa na lagpas sa itinakdang threshold ng DOH para sa fat, salt at sugar content.