House of Representative kamara
-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang nagbibigay ng mandato sa pagbibigay ng baseline Polymerase Chain Reaction (PCR) testing sa vulnerable sector ng lipunan. 

Sa botong 240 sa affirmative, isang negative, at zero abstentions, inaprubahan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 6865, o ang proposed “Crushing COVID-19 Act,” na iniakda ni dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo Representative Janette Garin.

Pangunahing layunin ng panukalang ito na magpatupad ng hakbang para ma-contain at ma-control ang pagkalat ng COVID-19 at mabawasan din ang mortality rate ng sakit sa pamamagitan ng maagang detection at management nito. 

Hangad din nitong mapabagal ng husto ang doubling time ng COVID-19 infections at magamit ang lahat ng resources ng pamahalaan sa laban kontra nakakamatay na sakit sa pamamagitan nang paggamit ng pooled baseline polymerase chain reaction COVID-19 testing sa vulnerable sector ng lipunan. 

Nakasaad sa panukala na ang pooled baseline PCR testing ay nangangahulugan nang pagkolekta ng individual nasopharyngeal at/o oropharyngeal swabs mula sa vulnerable asymptomatics na naka-grupo sa 10 o limang samples na inihahalo sa mixture ng aliquot gamit ang baseline PCR test. 

-- Advertisement --

Kabilang sa mga sasailalim sa pooled baseline PCR testing ay mga pasiyente at healthcare workers na may severe o critical at mild symptoms ng COVID-19, pati na rin iyong mga asymptomatic na may relevant travel history o contact sa COVID-19 patient.

Indibidwal naman ang PCR testing na gagawin sa mga pasiyente o healthcare workers na maituturing high-risk dahil sa kanilang exposure sa sakit. 

Ang mga non-health frontliners na rumiresponde rin sa COVID-19 crisis, ay sasailalim naman din sa pooled PCR testing, gayundin iyong may mga co-morbidities at iba pang health risks, mga pumapasok ng Pilipinas galing sa ibang bansa at iba pa. 

Nakasaad din sa panukala na dapat sagutin ng PhilHealth ang lahat ng gastos sa testing, kabilang na ang bayad sa mga pathologist, laboratory specialist at iba pang staff.