-- Advertisements --

Sinimulan na ng Manila Cathedral ang pagpapatunog ng kampana nito bilang hudyat nga ng inorganisang interfaith prayer ng gobyerno laban sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

Ang pagpapatunog na ito ng kampana ay hindi lamang ginagawa rito sa Maynila dahil sa isang circular na inilabas ni Archbishop Romulo Valles, ang presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), hinimok niya ang lahat ng Katolikong simbahan sa buong bansa para sa simultaneous ringing of bells ngayong alas-3:00 ng hapon.

Ang prayer activity ay inisyatibo ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ayon kay Bishop Oscar Florencio ng Military Ordinariate of the Philippines, pangungunahan ng Chaplain Services of the Armed Forces of the Philippines ang nasabing aktibidad na ie-ere sa telebisyon.

Naniniwala si Archbishop Valles na palalakasin ng dasal ang loob at tiwala ng publiko para gunitain ang pagkakaisa sa gitna ng ganitong krisis.

“It will be comforting and encouraging for our people when they sense and observe that a spirit of unity and working together is there in these trying times,” ani Valles.

Nananatili pa ring suspendido ang lahat ng public masses sa Metro Manila at buong bansa dahil nga sa mahigpit na pagpapatupad ng lockdown at social distancing.