CENTRAL MINDANAO – Karagdagang 116 na mga locally stranded individuals ( LSI) mula Cebu at Iloilo na nakapagrehistro sa Task Force Sagip Stranded North CotabateƱo ang dumating sakay ng isang sweeper flight ng Air Asia sa Davao International Airport.

Sila ay sinundo ng TF Sagip Mission Team na pinangunahan ni IPHO chief Dra. Eva Rabaya at Junmar Gonzales gamit ang 15 vans, isang military truck, police patrol car at isang ambulance.

Nagbigay din ng briefing si Dra. Rabaya hinggil sa mga health protocols na pagdadaanan at susundin ng nga ito.

Mayroon ding 16 na mga LSI at OFW, lima sa mga ito ay seafarers na dumating sakay ng commercial flights ang isinabay na rin pauwi sa lalawigan.

Ang mga LSI ay agad sasailalim sa rapid testing pagdating ng mga ito sa Provincial Capitol sa Brgy Amas, Kidapawan City gayundin sa proseso ng decontamination.

Binigyan din sila ng libreng pagkain kaloob ng provincial government.

Hindi maisalarawan ang tuwa sa mukha ng mga ito at labis na pasasalamat kay Governor Nancy Catamco na sila ay natulungan na makauwi sa probinsya ng Cotabato.