Matagumpay na napigilan ng mga operating unit ng 76th Infantry Battalion (IB) ang extortion activities ng New People’s Army (NPA) sa Quezon.

Ayon kay 202nd Brigade Commander Col. Arnulfo Burgos, bandang alas-5:25 kaninang madaling araw nang makatanggap ng ulat ang militar kaugnay sa presensiya ng NPA.

Habang nagsasagawa ng security patrol ang mga sundalo mula sa 76th IB, nakaengkuwentro nito ang nasa pitong miyembro ng NPA na nangingikil sa isang construction company sa may Sitio Bantigue, Cagsiay 2, Mauban, Quezon.

Sinabi ni Burgos na umigting ang 10 minutong labanan.

Dahil sa mga bakas ng dugo na nakita sa route of withrawal ng rebeldeng grupo, naniniwala ang militar na may casualties sa mga kalaban.

Habang sa panig naman ng militar, isang sundalo ang nasugatan.

Samantala, ayon kay 2nd Infantry Division Commander M/Gen. Rhoderick Parayno, ang nakasagupang NPA ng mga sundalo ay nangingikil ng pera sa Marc Built Construction Company.

Balak din ng mga nasabing rebelde na sunugin ang construction company.