DAVAO CITY – Naging atraksyon ang dekorasyon sa isang bakanteng lote sa Barangay Communal, Buhangin District nitong lungsod, matapos i-display ang mga ginawang ataul kung saan nakalagay ang pangalan ng mga ipinasarang investment scam.

Ang nasabing dekorasyon ay bahagi ng pag-obserba sa nalalapit na Araw ng mga Patay.

Marami ang natuwa at marami rin ang nalungkot dahil naalala umano nila ang malaking pera na kanilang in-invest na hanggang ngayon ay hindi pa nila nabawi.

Nabatid na nakalagay sa naturang mga ataul ang pangalan ng mga investment scam na nagsara gaya na lamang ng Joggle, Ever Arm, Titan, Almamico, Rigen, Dream Zion, Alamco at marami pa.

Agaw-pansin din sa mga tao ang isang ataul sa gitna na may nakalagay na “rest in peace KAPA.”

Isa umano ito sa mga paraan para ipahayag sa mga naging biktima ng scam ang kanilang pagkadismaya lalo na at karamihan sa mga ito ang hind pa rin nakatanggap ng kanilang “refund.”