PMA
PMA

BAGUIO CITY – Ibinulgar na ng Baguio City Police Office (BCPO) ang pangalan ng mga kadeteng responsable sa pagmaltrato kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio.

Sa isinagawang press conference, inilabas ni BCPO Director PCol. Allen Rae Co ang mga pangalan ng mga suspek.

Una nang nakilala ang tatlo na sina Cadet 1CL Axl Rey Sanupao, Cadet 3CL Shalimar Imperial at Cadet 3CL Felix Lumbag Jr.

Pinangalanan ang mga ito dahil sa direktang papel ng mga ito sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio.

Batay sa tala ng BCPO, ang apat pang mga suspek ay kinilala sa mga apelyidong Cadet 3CL Tadena, Cadet 3CL Volante, Cadet 2CL Zacarias at Cadet 3CL Manalo.

Maaalalang nabanggit ni Cadet Dormitorio si Cadet Manalo sa kanyang handwritten note na nagdedetalye kung paano siya pinahirapan ng tatlo niyang squadmates dahil lamang sa paggastos niya ng kalahati ng kanyang allowance noong gabi ng Agosto 21.

Sinabi niya sa liham na ang nagawa niyang paggastos sa kalahati ng kanyang allowance ay isang paglabag sa kanyang mga buddies na sina Cadet Imperial, Cadet Lumbag at Cadet Manalo.

Una na ring sinabi ni Cordillera Police chief BGen. Israel Ephraim Dickson na ang pang-anim na suspek ay isang 2nd Class Cadet na posibleng si Cadet 2CL Zacarias na isa sa mga naging “last touch” bago dinala sa pagamutan si Dormitorio noong Setyembre 17.

Aniya, isa ang nasabing 2nd Class Cadet sa mga nag-inflict ng damage sa katawan ng namatay na kadete.

Sinabi ni Co na pinahirapan ng pang-anim na suspek si Cadet Dormitorio dahil hindi ito makasunod sa utos niyang tumayo ito mula sa kinahihigaang kama ngunit hindi nito nakaya dahil sa pagmaltratong una nitong natamo.

Nang hindi makatayo si Cadet Dormitorio ay pinaniniwalaang pinagsisipa ito ng ika-anim na biktima.

Sa ngayon, sinabi ni Co na ang mga pitong kadete ay nasa isolation area hanggat hindi pa sila ipinapasakamay sa Baguio City Jail.