-- Advertisements --

Umapela si Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong sa Department of Trade and Industry (DTI) na manghimasok na at ipatigil ang aniya’y “abusive practice” ng mga fitness club franchisors sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kasabay nito ay kinondena ni Ong ang pagpiga ng mga franchisors sa kanilang mga franchisees kahit pa matinding naapektuhan din ang mga ito ng pandemya. 

Inihalimbawa ni Ong ang mga fitness club chain na managed at pinapatakbo sa pamamagitan ng mga franchise arrangements na pinipilit ng kanilang mga franchisor ngayon na patuloy na magbayad ng kanilang franchise fees at iba pang charges sa kabila nang malaking lugi dahil sa public health crisis.

Ayon sa kongresista, partikular na dapat imbestigahan ng DTI ang kaso ng Inspire Brands Asia na nagmamay-ari ng Anytime Fitness franchise.

Ito ay kasunod na rin ng paghinigi ng tulong sa kanya ng ilang franchisees na nagrereklamong hindi nabibigyan ng IBA ng sapat na panahon para mabawi man lang ang kanilang lugi makaraang pansamantalang magsara kasunod nang pagdeklara ng pamahalaan ng nationwide community quarantine.

Kinuwestiyon din ng kongresista ang legality ng operation ng IBA sa Pilipinas gayong ito ay pagmamay-ari ng mga dayuhan.

Kahit nais na aniya ng ilang franchisees na magsara ay inoobliga pa rin silang magbayad.

Batay sa mga franchisees ng fitness club chain, bago ang pandemic ay nagbabayad sila ng P250,000 hanggang P300,000 kada buwan pero simula July ay pinagbabayad na sila ng 50% o P125,000 hanggang P150,000 kada buwan gayong hindi nila ito kakayanin dahil 30% lamang ang capacity na pinapayagan sa mga fitness clubs ngayon.