CEBU CITY – Nakaangkla ang isang Panamanian cargo vessel sa Tayud Anchorage Area sa Cebu matapos itong nirespondehan ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG)-7.

Ito’y kasunod ng pagsadsad ng barkong M/V Arikun sa Lauis Ledge sa Talisay City kung saan dadaong sana ito sa Cebu International Port.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG-7 na si Lieutenant Junior Grade Michael John Encina, sinabi nitong sumadsad ang naturang international vessel dahil sa lakas ng alon at low tide pa.

Nasa ligtas na kalagayan naman ang mga crew members na galing pa ng China, Myanmar, at Vietnam.

Walang nasirang bahagi sa cargo vessel na may kargang 300,000 litro na langis, maliban na lamang sa kaunting gasgas.

Dagdag pa ni Encina, kasalukuyang mino-montor ang kalagayan ng M/V Arikun bago sumailalim sa clearance upang makabiyahe na ito sa patutunguhan.