ILOILO CITY – Tiniyak ng Pinoy boxer na si Denver “The Excitement” Cuello na iuuwi nito ang panalo sa kanyang muling pagsabak sa boxing ring kung saan makakalaban nito ang former muay thai combatant na si Detnarong Omkrathok ng Thailand.

Gaganapin ang kanilang laban sa Barangay Vergara Covered Court, Mandaluyong City sa darating na Agosto 3, alas-8:00 ng gabi.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Cuello na tubong Barangay Tuy-an, Cabatuan, Iloilo, sinabi nito na ang nasabing laban ay magsisilbing tune-up fight bago niya harapin ang World Boxing Council super flyweight champion na si Juan Francisco Estrada ng Mexico.

Ayon sa 30-anyos na si Cuello, naitakda na sana ang kanilang laban ni Estrada sa Hulyo 24 sa Las Vegas, Nevada, ngunit ipinagpaliban ito dahil kinailangan muna ng isang tune-up fight sa junior flyweight division bago siya payagan na harapin si Estrada para sa world title.

Sa ngayon,hawak ni Cuello ang Asia Boxing Federation Junior Flyweight Division championship belt.

Kung maaalala, huling lumaban si Cuello noong Marso 8,2019, matapos ang apat na taong pamamahinga dahil sa shoulder injury.