IMG 20190930 125243 2

Kinondena at binuweltahan ng pamilya Barrameda ang pagbasura ng isang korte sa Malabon sa kasong parricide laban sa dating mister ni Ruby Rose Barrameda.

Si Ruby Rose ay brutal na pinatay noong March 14, 2007 at natagpuan ang kanyang bangkay sa loob ng drum na sinimento pa sa Navotas fish port makalipas ang dalawang taon.

Sa isang press conference, kinumpirma ni Rochelle Barrameda, kapatid ni Ruby Rose na ibinasura na ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 170 Judge Edwin Larida ang parricide case laban kay Manuel Jimenez III noong August 15, 2019.

Hindi aniya matanggap ng kanilang pamilya ang pagbasura sa parricide case laban kay Jimenez, gayong walang maipaliwanag na mabigat na basehan ang judge sa pag-dismiss nito sa kaso.

Ayon kay Rochelle, naghain na sila ng motion for reconsideration sa korte.

Una rito, noong July 10, 2019, nauna nang ibinasura ng korte ang kasong murder laban sa tatay ni Jimenez na si Atty. Manuel Jimenez Jr. at iba pang akusado.

Dahil dito, nais ngayon ng pamilya Barrameda na mag-inhibit si Judge Larida sa kaso.

Isa pa sa kinukuwestiyon ng pamilya ni Ruby Rose ay ang pagkawala ng saksi sa kaso na si Manuel Montero.

Ayon kay Rochelle, biglang nawala si Montero nang wala man lang pasabi sa kanila ang National Capital Region Police Office (NCRPO).

Hinala umano nila, baka pinatakas na si Montero at may pera na inilabas ang sinuman para lamang makawala ang naturang saksi.

Apela naman ng ama ni Ruby Rose na si Roberto Barrameda, sana raw ay bumalik at magpakita na sa kanila si Montero.

Kasabay nito, hiniling na rin ng nakakatandang Barrameda kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila para sa muling pagbubukas ng kaso.