-- Advertisements --
PNP CIDG

Hindi kumbinsido ang naulilang pamilya ng Grade 5 pupil na si Francis Jay Gumikib na nasawi matapos ang umano’y pananampal ng kaniyang guro sa Antipolo City.

Ito ang naging reaksyon ng pamilya ng biktima nang matanggap ang certified true copy ng resulta ng isinagawang otopsiya at histopathological examination ng medicolegal division ng PNP Forensic Group.

Kaugnay nito ay nanindigan ang ina ng biktima na si Elena Minggoy na ang naging pananampal umano ng guro ang ikinasawi ng kaniyang anak.

Ito ay sa kadahilanang nagsimula lamang kasi aniyang uminda ng sakit ng ulo ang kaniyang anak matapos ang naturang insidente.

Bukod dito ay sinabi rin ni Elena na bahagyang nakakaramdam sila ng sama ng loob sa kapulisan nang unahan nito ang pagsasagawa ng press conference nang walang konsultasyon sa kanilang panig.

Kung maaalala, mismong si Antipolo City chief of Police PLTCOL Ryan Manongdo ang nagkumpirmang walang kaugnayan sa pananampal ng guro ang ikinasawi ni Francis Jay batay sa naging resulta ng naturang mga examination na ginawa sa mga labi ng biktima kung saan napag-alamang pamamaga, pagdudugo ng utak, at pagputok ng ugat sa utak ng bata ang nagmitsa sa buhay nito.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa alam ng pamilya kung kukuha pa sila ng second opinion para sa autopsy, habang pinaplano naman ng mga ito na magsampa ng kaso laban sa guro pagkatapos ng mailibing ang katawan ng biktima.

Sa halip na homicide, ay physical injury case in relation to RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na lang ang isasampang kaso ng mga otoridad laban sa nasasangkot na guro.