BACOLOD CITY – Nagdududa ang pamilya ng isang overseas Filipino worker sa Hong Kong kung totoong nagbigti nga ba ito noong Pebrero 2 dahil paiba-iba ng statement ang employer ng nasabing OFW.

Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod sa kapatid ni Felisa na si Jane, nagbigti umano sa kuwarto ang kapatid niya nang makita ito ayon sa sinabi ng employer nito sa Department of Foreign Affairs habang nakitang nakahiga naman sa sahig na wala nang buhay ang sinabi ng mismong employer sa kanya.

Hindi tuloy nila alam kung ano ang totoong paniniwalaan na kinamatay ng kapatid dahil noong Enero 31 lang ay masaya pa daw itong nakipag video call sa kanila at Enero 14 lang noong umalis ito ng Pilipinas para bumalik ng Hongkong.

Mukhang hindi naman umano ito bumalik ng Hong Kong para lang magpakamatay.

Nasanay na din aniya ang kanilang pamilya at mga kaibigan nito sa palagiang pag post ng hugot o pagkabigo sa social media dahil may kasintahan itong nasa Jordan.

Ngunit sa huling post ni Felisa o Jeck sa kanyang facebook account ay sobrang depressed ito at nagpahiwatig ng pagsuko.

Humingi na sila ng tulong sa DFA at OWWA para mapadali ang repatriation ng labi nito habang wala pa rin silang pinal na desisyon kung sa Hongkong o dito sa Pilipinas nila ito ipapa-autopsy.