BAGUIO CITY – Nabigla at nasaktan ang pamilya ng isa sa mga tinaguriang Special Action Force-44 (SAF-44) sa balitang ibinasura ng Sandiganbayan ang mga isinampang kaso laban sa mga high ranking police officials na namuno sa kontrobersiyal na Oplan Exodus na nagresulta sa Mamasapano massacre sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong January 25, 2015, ilang araw bago ang ika-limang anibersaryo ng masaker.

Partikular na ibinasura ng Sandiganbayan ang graft at usurpation of authority na kaso nina dating PNP-SAF Chief Getulio NapeƱas at dating PNP Chief Alan Purisima dahil sa kakulangan ng probable cause.

Una nang ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso ni dating Pangulong Noynoy Aquino ukol sa nasabing insidente.

Sa panayan ng Bombo Radyo, nabigla at nasaktan ang pamilya ni PO3 Walner Danao na isa sa mga namatay sa operasyon nang malaman ang nasabing desisyon lalo pa at hindi ito naipa-alam sa kanila at nalaman na lamang nila sa pamamagitan ng Bombo Radyo.

Dahil dito, hindi muna nakapagbigay ng komento sa desisyon ang pamilya ng nasabing bayani mula Baguio City.

Gayunman, sinabi ni Mrs. Julie Danao na hustisya pa rin ang sigaw ng kanilang pamilya, kasama ng pamilya ng iba pang SAF-44 para sa mga nasawing commandos dahil sa karumaldumal na pagmasaker sa mga ito.

Dagdag niya na aapela sila muli kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagkamit ng inaasam na hustisya lalo pa at sa unang pagpupulong nila dito ay inihayag ng pangulo ang suporta sa nasabing hangarin.

Samantala, sinabi niya na bago ang ika-limang taong anibersaryo ng Mamasapano massacre ay magkakaroon ng assembly sa Camp John Hay, Baguio City ang mga magulang ng mga 15 na Cordilleran warriors na kasama sa SAF44, bukas, January 23.

Tutungo din ang mga ito sa Metro Manila sa January 24 para makipagpulong sa kanilang abogado.

Kung maalala, namatay ang mga pulis sa operasyon nang tangkain nilang huliin ang international terrorist at bomb maker na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.