BAGUIO CITY – Nakatakdang dumating sa Baguio City ngayong araw ang pamilya Dormitorio para sa pormal na pagsasampa ng mga kaukulang kaso.

Mahaharap sa kasong kriminal ang mga suspek na kadete dahil sa direktang papel nila sa pagpapahirap o pagmaltrato kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.

Una nang naiulat na umaabot na sa pito ang bilang ng mga suspek sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito.

Ayon kay P/Col. Allen Rae Co, city director ng Baguio City Police Office, inihahanda na nila ang mga kaso laban sa bagong nakilalang suspek partikular ang paglabag sa Anti-Hazing Law at murder.

Aniya, ang suspek ay walang koneksyon sa pisikal na pananakit kay Cadet Dormitorio noong September 17, ngunit may papel ito sa mga nakaraang pagmaltrato sa nasabing kadete.