Reading Time: 2 minutes

LEGAZPI CITY – Mariing itinanggni ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam ang paratang na pamilya umano nito ang utak sa likod ng pagpaslang kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Maynila.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Cam na magsasampa siya ng kaso laban sa pamilya Yuson dahil sa pambibintang daw ng mga ito kahit walang ebidensya.

“I’m denying these speculations of this Yuson family and I can face them anywhere. Hindi pamilya namin (ang) mamatay-tao. There’s an outstanding warrant of arrest with no bail recommended. Eh, bakit hindi ‘yan ang ano at ako ang pagdidiskitahan nila? Hindi sila ang tipo ng mga tao na dapat kong kalabanin,” ani Cam.

Nagpasaring din ang PCSO board member sa naulilang pamilya na tumulong sa paghahanap ng nawawalang Mayor Charmax Jan Yuson, na anak ng bise alkalde.

Binanggit kasi nito ang kasong hinaharap ng mag-ama nang makuhanan ng mga armas at granada sa ikinasang raid sa bahay niyo noong Pebrero.

Sa hiwalay na panayam iginiit ng pamangkin ng biktima na si municipal councilor Emil Glenn Yuson na pamilya ni Cam ang responsable sa krimen dahil matagal na raw nitong gusto makuha ang posisyon ng napatay na bise alkalde.

“Lahat ng pangyayari na paghihirap sa aming pamilya, ngayong pinatay si Vice Mayor, siya ang dahilan. Kung pa’no nakasuhan si Mayor Charmax. Kung pa’no nagkagulo ang Batuan, siya ang dahilan.”

Ayon sa nakababatang Yuson, magka-tandem sina Cam at tiyuhin niyo noong 2004 sa local elections.

Nagsunod-sunod daw ang tagumpay ni Yuson mula nang maupo ito hanggang 2013, samantalang natalo raw ang mga kapartido ni Cam.

Noong 2016 naman nang manalo ang anak ng yumaong bise alkalde bilang mayor ng Batuan, gayundin sa re-election nito noong Mayo.

Natalo ng nakababatang Yuson ang anak ni Cam sa halalan na si Marco Martin.