GENERAL SANTOS CITY – Matapos ang utos ni OIC City PNP director Col. Gilberto Tuzon na paghandaan ang motor in tandem criminals, muling nalusutan ang pulisya makaraang madagdagan ang biktima ng pamamaril.

Ito ay matapos binaril-patay ng hindi nakilalang suspek ang isang ahente ng motorsiklo habang nasa isang tindahan.

Kinilala ni Police Major Patrich Elma ang biktima na si Kim Montanier, 30, residente ng Vista village, Purok Alilaya, Barangay Sinawal sa lungsod.

Ito na ang pang anim na biktima ng pamamaril ng motor in tandem ngayong buwan lamang.

Unang biktima ang babaeng negosyante, nasundan ng isang foreman, pangatlo ang retired colonel at pang-apat ang ABC president ng Glan, Sarangani at panglima ang isang negosyante ng ukay-ukay at pang-anim nitong hapon ng lunes.

Nalaman na binigyan ni Col. Tuzon ng dalawang buwan ang kanyang mga imbestigador para lutasin ang nasabing mga shooting incidents.