Hinimok ng dalawang kongresista ang pamahalaan na i-review ang Republic Act 10754 o ang Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability.

Nanawagan sina Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong at ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap sa Department of Health (DOH), the Department of Interior and Local Government (DILG) at National Council on Disability Affairs (NCDA) na i-review ang naturang batas, at habulin ang mga taong gumagamit ng pekeng PWD identification cards.

Dumagdag pa kasi sa problema ng business sector ngayong may COVID-19 crisis ang pagsasamantala ng ilan sa pamamagitan nang paggamit ng pekeng PWD cards para makakuha lamang ng diskuwento.

Ayon kay Ong, malaki ang lugi ng pamahalaan sa pag-abuso ng mga nagsasamantala sa RA 10754.

Ipinunto ng kongresista na kakaunti lamang ang nilalaman na safeguard measures ng batas laban sa mga taong nagkukunwari na isang PWD.

Wala rin kasi aniya itong uniform specification sa proof of entitlement, kaya madali lamang para mapeke ang PWD identification cards.

Sa ilalim ng batas, ang mga PWDs ay binibigyan ng 20 percent discount at exempted din sa VAT ng ilang bilihin at serbisyo.

Dahil dito, hinimok ni Ong ang pamahalaan na bawiin ang lahat ng lumang PWD IDs at maglabas ng panibago na magiging subject sa verification ng DOH o NCDA.

Inirekominda rin niya ang pagbuo ng isang national PWD database, kung saan maaring ma-access detalyeng nilalaman ng ibibigay na Quick Response codes sa mga may kapansanan upang sa gayon ay mas mabilis ang pagberipika sa mga ito.