Pinaiimbestigahan sa Kamara ang palpak na rollout ng National ID system.
Batay sa House Resolution 471, na inihain ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera, kaniyang iginiit na dapat magpaliwanag ang Bangko Sentral ng Pilipinas, NEDA at Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga ahensiya na nangangasiwa sa nasabing proyekto.
Panawagan ni Rep. Herrera na dapat na rin palitan ang namumuno sa PSA dahil sa bigo nitong ipinatupad ang maayos na pamamahagi ng Philippine Identification System (PhilSys) na inaasahang makatutulong sana para mabago ang delivery ng public services.
Ayon sa mambabatas, taong 2018 pa nang maisabatas ang National ID.
Magugunita na nuong 2020, ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng PhilSys para sa pag-identify ng pinakamahihirap na pamilya na mabibigyan ng ayuda.
Inatasan ang BSP na i-produce at i-deliver ang 116-million pre personalized ID’s mula 2021 hanggang 2023.
Batay sa report ng Commission on Audit nasa mahigit 27 million pre personalized cards o 76-percent ng 36-million na kinakailangang bilang ng ID’s ang nai-deliver lamang ng BSP.
Giit ni Herrera, kung fully implemented sana ang National ID, malaking tulong ito sa pag-counter check ng pagkakakilanlan ng mga magpaparehistro sa ilalim ng SIM Card Registration Law.