Muling nagsagawa ng kilos-protesta ang mga Palestinians matapos magkaroon ng kasunduan ang United Arab Emirates at Bahrain ng mas maayos na relasyon sa Israel.

Nagtipon-tipon ang mga raliyista sa Ramallah habang may hawak na placards na may laman namang mensahe para sa Arab nations.

Anila hindi raw dapat itrato ng maayos ang Israel dahil tuloy pa rin ang ginagawa nitong pananakop sa West Bank.

Malakas umano ang paniniwala ng mga ito na hindi magdudulot ng kaayusan sa rehiyon ang Israel-Arab deal. Posible rin na mauwi lamang ito sa pagsuporta sa annexation ng Israel sa mga territories at occupation policy tulad ng Apartheid.

Itinuturing din ito ng ibang demonstrador bilang katraydoran sa kanilang bansa.