-- Advertisements --

Mismong ang Malacañang na ang pumuna sa maling sistema na ipinatutupad ng pamahalaan sa pagpapauwi sa mga locally stranded individuals (lsiS) na pansamantalang nanantili sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bulag siya kung sasabihing walang makikitang pagkakamali sa sistema.

Ayon kay Sec. Roque, hindi nasunod ng mga LSIs ang health protocols na itinakda ng Department of Health (DOH) gaya physical o social distancing para makaiwas sa COVID-19.

Pero inihayag ni Sec. Roque na naiintindihan naman ng Malacañang na atat nang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya ang mga LSIs.

“Bulag naman ako kung sasabihin kong walang pagkakamali doon. Meron pong pagkakamali don. Dapat po nagkaroon ng sistema na bagamat maraming tao doon sa Rizal Memorial Coliseum, dapat siniguro ang social distancing,” ani Sec. Roque.

Idinagdag ni Sec. Roque kakausapin na lamang niya si “Hatid Tulong” program lead convenor at Presidential Management Staff (PMS) Assistant Sec. Joseph Encabo na gawin na lamang regional ang pagpapauwi sa mga LSIs para maiiwasan ang pagdagsa ng nila at masusunod ang physicial distancing.