Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat sundin ang batas at ang tamang proseso sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro na ang tanging hiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang pagsunod sa batas at sa itinakdang proseso ng impeachment trial.
Sinabi ni Castro, batay sa kanilang nakikita at nababasa, maayos ang daloy ng pagdinig sa Senado at nasusunod ang itinakdang proseso ng impeachment court.
“Ang hiling naman po ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon ay sundin ang batas at ang proseso. Sa nakikita po at nababasa rin po natin ay naipapakita naman na nagiging maayos po ang daloy ng hearing sa Senado,” pahayag ni USec. Claire Castro.
Gayunman, tumanggi ang Malacañang na magbigay ng komento sa mga ebidensiyang iniharap ng prosecution sa unang tatlong araw ng paglilitis, iginiit na hindi tungkulin ng Palasyo na suriin ang mga ito habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.
“Hindi po mandato ng ehekutibo, ng Palasyo, ang mag-assess sa nakaraang tatlong araw na hearing sa impeachment involving the Vice President. Ito po ay trabaho po ng Senado at definitely ang mga taumbayan din po ay dapat din po sigurong mag-monitor para ma-assess din po nila sa sarili nila kung ano ang nagaganap sa ating bayan,” dagdag pa ni USec. Claire Castro.
















