-- Advertisements --

Nakahanda ang Malacañang na tanggapin anuman ang magiging ruling ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law of 2020.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, igagalang at susundin nila pabor man o kontra sa batas ang ruling ng Korte Suprema.

Magugunitang pagkalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas, agad naghain ng petisyon ang grupo ni Ateneo and La Salle law professor Howard Calleja para kwestiyonin ang constitutionality nito.

Ngayong araw, inaasahang ilang grupo pa at mambabatas ang maghahain sa Korte Suprema ng kahalintulad na petisyon.

Samantala, tinawag naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang mga oposisyon ng batas na “noisy minority” na walang saysay kay Pangulong Duterte.

Ang paglagda raw ni Pangulong Duterte sa batas ay pagkikita ng kanyang political will at determinasyong protektahan ang sambayanan laban sa terorismo na itinuturing na pinakamataas na uri ng kriminalidad.

Iginiit din ni Sec. Panelo na may sapat na safeguard ang batas para hindi ito maabuso ng mga law enforcers.