Nagpapatuloy pa rin ang pakikipag-areglo ng gobyerno ng Pilipinas sa China para makakuha ng loan financing para sa Philippine National Railways’ (PNR) South Long Haul Project.
Kinumpirma ito ni PNR General Manager Jeremy Regino sa sidelines ng 43rd annual ASEAN Railway CEOs’ Conference sa Makati City.
Sinabi din ni Regino na may timetable ang gobyerno sa mga negosasyon nito sa gobyerno ng China subalit hindi nito alam kung kailan.
Gayunpaman, sinabi ng PNR chief na ang Department of Transportation (DOTr) at ang Department of Finance (DOF) ay naghahanda ng mga contingency measures sakaling mabigo ang pakikipag-usap sa Beijing.
Aniya, pinag-aaralan at sinusuri na ng DOTr at DOF ang iba pang mga opsyon para sa financing pati na rin ang isang hybrid approach kung saan bahagyang popondohan ng pamahaan ang proyekto kasama ng isang Official Development Assistance (ODA) mula sa iba pang mga partner nito.
Noong Hulyo 2022, ibinunyag ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na hindi kumilos ang gobyerno ng China sa kahilingan ng administrasyong Duterte para sa loan financing para sa tatlong pangunahing proyekto ng railways na kinabibilangan ng South Long Haul Project dahil sa natigil ang negosasyon noong nakaraang administrasyon dahil sa diskusyon sa rate of interest.
Ang kontrata para sa pagtatayo ng P142-bilyong South Long Haul Project o kilala rin bilang PNR Bicol ay mula Banlic, Calamba hanggang Daraga, Albay.