Target simulan sa Enero ng susunod na taon ang pagpapatayo ng Freedom Memorial Museum bilang pagpupugay sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law sa ilalim noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ginawa ni Executive Director Carmelo Crisanto ng Human Rights Violations Victims Memorial Commission ang naturang pagbubunyag nang tanungin ni House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party-list sa dliberasyon ng 2024 proposed budget ng CHR kung saan attached agency nito ang Memorial Commission, kaugnay sa pagkaantala ng naturang museum gayong 10 taon na ang nakakalipas mula ng maipasa bilang batas noong 2013 ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.
Sa ilalim kasi ng Section 26 ng naturang batas, nakasaad ang paggagarantiya ng monetary at non-monetary sa mga biktima ng Martial law kabilang ang pagtatayo ng P500 milyong halaga ng Freedom Memorial Museum kung saan dapat nakasulat ang pangalan ng mga biktima bilang parangal at pag-alaala sa kanila.
Paliwanag pa ng opisyal na nagkaroon ng memorandum of understanding ang komisyon sa pinapatakbo ng gobyerno na University of the Philippines-Diliman para sa paggamit ng 1.4 ektarya ng lupain ng unibersidad para sa pagtatatag ng museum subalit hindi pa nakukumpleto ng unibersidad ang paglilipat ng mga opisina sa maaapektuhan ng konstruksiyon sa relocation site.
Subalit, nag-commit naman na aniya ang unibersidad na magbibigay ng partial way para aa konstruksiyon na sisimulan na sa Enero.
Una rito, sa ilalim ng MOU sa pagitan ng Memorial Commission at UP-Diliman na nilagdaan noong
2018, ang Freedom Memorial Museum ay itatayo sa 1.4 hectare na lupain ng university sa loob ng 50 taon.