Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas na magtatatag ng Taal Commission.

Sa House Bill 5977 ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, ang naturang komisyon ang siyang tututok sa Taal Eruption Recovery, Rehabilitation, and Adaptation (TERRA) plan.

Ito rin siyang magpapatupad ng “strategic, advance, integrated and comprehensive strategies” para sa mga lugar na sakop ng 14-kilometer danger zone at iba pa na posibleng maapektuhan ng Taal eruption.

Ito ay para na rin aniya na hindi maapektuhan ang ekonomiya ng bansa dahil aabot ng 64 percent ng domestic product ng bansa ang nasa Regions III, IV at IV-A na pawang malapit sa Metro Manila.

Sa ilalim ng panukala, tatagal ng 10 taon ang Taal Commission, na bibigyan ng P100 billion na pondo na siya namang gagamitin sa rehabilitasyon ng mga imprastraktura na nasira sa pagputok ng Bulkang Taal.

Kahapon, hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kapwa niya kongresista na bumuo ng pangmatagalang plano, programa at mekanismo sa tuwing may kalamidad sa bansa at hindi lamang para sa on-going relief operations.

Bukas, nakatakdang magtungo ang mga kongresista sa Batangas City Convention Center para pag-usapan ang mga hakbang na ito.