Pinag-uusapan na ng sampung U.S. governors mula sa East at West coast ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa kanilang mga estado kasunod nang pagbaba ng coronavirus infection sa Amerika.
Inanunsyo ito matapos ihayag ni President Donald Trump na nakasalalay sa kaniyang desisyon kung muli nang bubuksan ang ekonomiya ng Estados Unidos.
Ayon kay New York Governor Andrew Cuomo, nakikipagtulungan na ito sa New Jersey, Connecticut, Delaware, Pennsylvania at Rhode Island para plantsahin ang pinaka-magandang estratehiya upang luwagan ang ipinatupad na stay-at-home order noong nakaraang buwan.
Kalaunan ay sumali na rin sa East Coast coalition ang Massachusettes.
Sa kabila nito ay hindi naman sila nagbigay ng eksaktong petsa kung kailan tatanggalin ang social lockdowns na naging sanhi para maparalisa ang kabuhayan ng halos 100 milyong residente sa kani-kanilang mga estado.