-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health na hindi na nila ikinagulat pa ang panibagong surge sa COVID-19 infections.

Sa tanong ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan, sinabi ni Duque na inasahan na nila ang pagsirit ng bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 kamakailan bunsod ng iba’t ibang factors.

Ayon kay Duque, malaki ang ambag nang pagbukas ng ekonomiya ng bansa sa kasalukuyang sitwasyon dahil  nagkaroon ng increased mobility ang publiko.

Humina rin aniya ang pagsunod ng taumbayan sa ipinatutupad na minimum health protocols.

Bukod dito, iba’t ibang variants pa ng coronavirus ang nagsulputan, na ayon sa mga eksperto ay mas nakakahawa kumpara sa orihinal na strain.

Dagdag pa ni Duque, kinonsidera rin nila sa mga nakalipas na linggo ang pagtataya na ginagawa naman ng OCTA Research group.

Kahapon lang, pumalo sa mahigit 10,000 ang bilang ng naitalang bagong COVID-19 infection.

Pero bago ito, ilang ulit pang nakapagtala ng mahigit 9,000 bagong COVID-19 cases, na siyang nag-udyok sa pamahalaan para ilagay ang National Capital Region kasama ang apat na karatig probinsya sa ilalim ng enhanced community quarantine bubble sa loob ng isang linggo.