CENTRAL MINDANAO- Isa ang sugatan at dalawa ang nahuli sa inilunsad na search warrant operation ng pulisya at militar sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang nasugatan na si Ons Meguan habang naaresto naman sina Mangi Kato Paglas at Tato Telindo.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Ronald Briones na nagsagawa ng search warrant operation ang pulisya at militar sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BARMM) sa Brgy Balanaken Datu Piang Maguindanao target ang mga armadong grupo.

Paparating pa lamang ang raiding team ay natunugan na sila ng mga suspek kaya agad itong nagpaputok.

Tumagal nang halos isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng armas.

Tatlo sa mga suspek ang nahuli at nakatakas ang iba nang pumasok ito sa komunidad ng MILF kaya hindi na hinabol ng mga otoridad.

Kasama sa mga suspek na nakatakas ay sina Salam Masukat Paglas,Mike Gaga Paglas,Paki Paglas Eson,Hadie Gaga Paglas,Ronnie Pulalong Paglas at Zainudin Kato Paglas.

Narekober naman ng raiding team sa kuta ng mga suspek ang limang 40mm high explosive,limang bala ng M16 Armalite rifle at 2 bala ng kalibre.45 na pistola.

Ang operasyon ay bahagi ng Oplan Paglalansag Omega,Oplan Pagtugis at Oplan Salikop hinggil sa paglabag sa mga suspek sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Explosive at RA-9516 o possession and manufacture of firearms, ammunition and explosives.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na ang CIDG-BARMM sa MILF sa mga nakatakas na mga suspek na pumasok sa kanilang kampo.