Tiniyak ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na hindi makakaapekto sa kampanya kontra droga ang pagkakasibak sa pwesto kay Interior and Local Government Secretary Ismael Mike Sueno.

Sinabi ni Dela Rosa na magpapatuloy ang kanilang kampanya kontra droga kahit may bago ng kalihim sa DILG.

Pahayag ng PNP chief, kaniya nang ipinauubaya sa Malacañang ang pagkomento ukol sa isyu.

“That only goes to show that the president is really serious in ridding the ranks of government of corruption,” pahayag pa ni Dela Rosa.

Aniya, ang pagkakatanggal kay Sueno ay pagpapakita na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa korupsyon ng pamahalaan.

Nilinaw din ni Dela Rosa na hindi ibig sabihin na dahil sa korupsyon kung kaya’t sinibak si Sueno.

Una nang sinabi ng ilang opisyal ng Palasyo na ang pagkakasibak kay Sueno sa pwesto ay dahil nawalan na umano ng kumpiyansa at tiwala ang pangulo  sa kalihim na inanunsiyo mismo ng chief executive sa isinagawang cabinet meeting.