Tama lamang umano na isinauli ng Estados Unidos ang kontrobersyal at tanyag na Balangiga bells sa Pilipinas.

Ayon kay US Ambassador Sung Kim, naramdaman ng mga Amerikano na panahon na para tuldukan ang isyu na naging tinik sa ugnayan Pilipinas at US sa nakalipas na 100 taon.

“It was the right thing to do,” ani Kim.

Nauna rito, inihayag ni Kim na napakinggan ng mga political leaders ng Amerika ang madamdaming panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang 2017 State Of the Nation Address sa US na isauli ang mga kampana.

Sa panig naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang pagkakasauli ng mga kampana ay resulta ng pagsisikap ng maraming tao sa nakalipas na 50 taon na pinagtatalunan ang isyu sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Para kay Defense Usec. Reynaldo Mapagu, ang pagsauli ng Amerika sa mga kampana ay pagpapakita ng kanilang pagrespeto sa matagal na alyansa ng Maynila at Washington.