Makaaasa na raw ng mas maayos at magandang suplay ng kuryente ang mga taga Iloilo City dahil sa ginawa ng More Electric and More Power (More Power) na pag-upgrade sa distributin facilities sa lalawigan.
Maganda umano itong balita lalo na’t nasa ilalim ng “new normal” na pamumuhay ang mga tao at mas mahabang oras ang ginugugol sa loob ng bahay kaysa sa labas.
Ayon kay More Power President at Chief Operation na Officer (COO) Roel Castro, umabot na sa 51 distribution transformers ang kanilang na-upgrade, habang napalitan naman na ang 51 broken electric poles at naayos na ang 97 hotspot connectors sa loob lamang ng dalawang buwan.
Una nang naglaan ng P1.8 bilyon ang More Power para sa rehabilitation at upgrading ng power distribution system sa Iloilo City matapos nilang i-takeover ang distribution utility sa lalawigan nang kanselahin ng Kongreso ang 96 taong prangkisa ng Panay Electric Company (PECO).
Kasabay ng pagtake-over ay minana din ng bagong kumpanya ang mga problema na kanila umanong isa-isa nang tinutugunan.
Maliban sa pagpapabuti sa distribution system, nangako rin ang More Power ng mas mababang monthly bills sa pamamagitan ng pag-cut sa system losses na umabot sa 9.03 percent noong 2019.
Ipinaliwanag ni Castro na ang mataas sa 9.03 percent na system losses ay nangangahulugan na may 20,000 illegal connections sa Iloilo City na kanila na ngayong hinahanap.
Isang programa rin umano ang kanilang inilunsad para mawakasan na ang illegal jumpers at maaari nang makapag-apply ng regular connections ang mga informal settlers.
Nabatid na ilan sa mga distribution equipment sa Iloilo City ay itinayo pa noong 1950’s at 1960’s kaya manually operated pa ito.
Sa technical study na ipinalabas ng Meralco Industrial Engineering Services Corporation (Miescor) lumilitaw na may 9,000 hotspot connectors ang dapat na agarang mapalitan habang may limang power substations ang nakitang may 90 percent load na lubha umanong mapanganib dahil ang pinapayagan lamang na load capacity ay nasa 70 hanggang 80 porsiyento.
Bukod sa pagpapalit ng mga lumang distribution equipment sa limang substations, nakatakda ring magtayo ang More Power ng dalawa pang bagong substations at isang mobile substation upang makasabay sa mas mataas na demand sa kuryente.
‘MORE Power will give Ilonggos lower electricity bills and meet its growing economy’s needs. We are here to be Iloilo City’s partner in its growth,” pahayag ni Castro.
Samantala nagpaliwanag naman ang More Power na ang naranasang brownout sa Iloilo City noong May 17, 2020 sa pagitan ng alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-3:43 ng hapon ay resulta ng ginawang maintenance work sa Jaro substation na may ilang taon nang hindi sumailalim sa maintenance inspection.
Ang paliwanag ay ginawa ng kumpanya matapos na ring maghain ng House Resolution sa Kamara si Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny Lagon na humihiling na imbestigahan ang naranasang power outrage sa lalawigan.
Giniit ni Castro na may abiso sa mga residente ang naranasang brownout, sa katunayan ay may ilang netizens pa ang pumuri sa More Power sa social media dahil sa naging mabilis ang ginawang maintenance work.