KORONADAL CITY – Tiniyak ng kapulisan na aaksyonan ang anumang kaso ng diskriminasyon at pananakit sa mga health workers sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Tulad na lamang ng sinapit ng nurse na si Earl Sunday Perez sa St. Louis Hospital sa Tacurong City kung saan sinabuyan daw ito ng bleach sa mata.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tacurong chief of police Lt. Col. Rey Egos, sinabi nitong hindi nila pahihintulutang masaktan at ma-discriminate ang mga frontliners lalo na sa medical sector.

Nabatid na sa naturang bahay-pagamutan na pinapasukan ng biktima, namatay ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa Sultan Kudarat.

Sa reklamong ipinaabot ni Perez, bumalik umano sa bahay ang kasama nito upang kumuha ng mga gamit dahil doon siya sa ospital matutulog.

Bibili sana ito ng kape sa tindahan nang nilapitan ng ilang katao at tinanong kung sa St. Louis siya nagtatrabaho at nang kinumpirma nito, agad siyang sinabuyan siya ng bleach na tumama sa mata nito.

Sa ngayon ay kumilos na rin ang management ng ospital para sa karampatang legal na aksyon laban sa mga suspek.

Suwerte namang nasa maayos nang kondisyon ang nurse.