KALIBO, Aklan – Itinuturing ng pulisya na case closed na ang pagpatay sa isang 14-anyos na dalagita sa Brgy. Pagsanghan, Banga, Aklan noong Mayo 4 kasunod ng kusang pagsuko at pag-amin ng kanyang nakatatandang kapatid sa krimen.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni PSMSgt. Philialyn Navarra ng Banga Police Station na kinokonsensiya umano ang suspek na si Kenny Natabio, 29, residente ng nasabing lugar kaya sumuko para pagbayaran ang nagawang kasalanan sa kapatid.

Kaugnay nito, kasong homicide ang isinampa sa suspek ng kanyang mga magulang.

Sa salaysay ni Kenny, matapos sunduin ang kapatid sa isang computer shop, sinagot umano siya nito ng pabalang dahilan na napalo niya ito ng putol na kawayan sa ulo at sinakal hanggang sa mamatay.

Iniwan umano niya ito sa damuhan hanggang sa natagpuang naagnas na bangkay.

Nitong hapon ay inihatid na sa kanyang huling hantungan ang biktima.