Reading Time: 1 minute

BAGUIO CITY – Naging hamon kay Cadet 1CL Glyn Elinor Marapao ng Buguias, Benguet na eighth placer ng PMA Class of 2019 ang pagkatanggap ng ate niya sa Philippine Military Academy (PMA) kaya siya pumasok sa nasabing akademya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na naging hamon din sa kanya nang maging third placer sa PMA Salaknib Class of 2016 ang ate niya na si 1Lt. Eda Glis Marapao.

Aniya, kung nagawa ng kapatid niya ay magagawa din niyang makakuha ng kaparehong pagkilala.

Inamin niya na maraming pagkakataon na naisip niyang umalis sa akademya noong siya ay plebo pa ngunit hindi siya nagpatalo.

Samantala, hindi rin inasahan ni Mrs. Helen Marapao, ina ni Cadet Marapao na makakapasok sa Top 10 ng graduating class ang kanyang anak.

Aniya, napakinggan na lamang niya dito sa Bombo Radyo ang balita.

Labis aniya ang kanyang saya sa tagumpay ng kanyang anak.

Napag-alaman na ang ama ng magkapatid ay isang retiradong Master Segeant sa militar.