Papaigtingin pa ng Pilipinas ang pagpapatrolya para protektahan ang tradisyunal na fishing ground sa West Philippine Sea mula sa mga agresibong aksiyon ng China.
Ito ay sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya ng mga barko ng gobyerno ng PH sa may Panatag shoal simula ngayong buwan.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, ang mg barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay magsasagawa ng rotational deplyment sa lugar, isang pagbabago mula sa nakagawiang magkahiwalay na pagpapatrolya.
Sinabi din ng opisyal na inatasan ang PCG at BFAR na mamahagi ng food packs, groceries at langis para sa mga mangingisda para sa kanilang tuluy-tuloy na aktibidad sa bisinidad ng Panatag shoal na traditional fishing ground ng mga mangingisdang Pilipino.
Tiniyak naman ni Año sa publiko na mananatiling propesyunal ang PCG at BFAR sa pagtugon sa anumang labag sa batas at provocative behavior ng Chinese Coast Guard at Chinese maritime militia vessels kabilang na ang pagtugon sa mapanganib na maniobra at pagharang sa mga barko ng PH na nagbabalewala sa 1972 convention para maiwasan ang banggaan sa karagatan.